Relief at Support Operation, isinagawa sa Bacoor City, Cavite

Nagsagawa ng relief at support operation ang Bacoor Component City Police Station (CCPS), katuwang ang Bacoor Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) at ang City Social Welfare and Development (CSWD), para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha dulot ng bagyong Crising sa Brgy. P.F. Espiritu, Bacoor City, Cavite nito lamang ika-22 ng Hulyo taong kasalukuyan.

Agad na inilikas ang mga biktima ng bagyo sa Covered Court ng Barangay P.F. Espiritu 3, kung saan 15 modular tents ang ipinamahagi at itinayo upang pansamantalang masilungan ng 25 pamilyang apektado, na binubuo ng 95 indibidwal. Ang mga tauhan ng PNP ay naging aktibo hindi lamang sa pamamahagi ng mga tent kundi maging sa aktwal na pagtayo nito, upang matiyak na may ligtas, maayos, at kaaya-ayang matutuluyan ang mga lumikas na residente.

Ipinapakita ng inisyatibong ito ang patuloy na malasakit at dedikasyon ng kapulisan at mga katuwang na ahensya sa pagbibigay ng agarang tugon at serbisyo sa gitna ng sakuna. Patunay ito sa kanilang layuning unahin ang kaligtasan, kapakanan, at dignidad ng bawat mamamayang nasalanta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *