Mga kinatawan ng CSOs, NGOs, at POs, dumalo sa CSO Conference para sa Reaccreditation sa Bayambang
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lokal ng Bayambang na maisulong ang inklusibong pamamahala at partisipasyon ng iba’t ibang sektor sa lipunan, matagumpay na isinagawa ang Civil Society Organization (CSO) Conference noong Hulyo 21, 2025 sa Balon Bayambang Events Center.
Pinangunahan ng Municipal Administrator’s Office ang nasabing aktibidad na layuning muling ma-reaccredit ang mga organisasyong nagnanais maging bahagi ng Local Special Bodies (LSBs) gaya ng Local Development Council, Local Health Board, Local School Board, at iba pa.

Dinaluhan ang kumperensiya ng iba’t ibang kinatawan mula sa mga civil society organizations (CSOs), Non-government Organizations (NGOs), at People’s Organizations (POs) na aktibong nakikibahagi sa mga gawaing panlipunan sa bayan.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita sa programa sina Municipal Local Government Operations Officer Editha Soriano, Sangguniang Bayan Secretary Joel Camacho, at Municipal Planning and Development OIC Ma-Lene Torio, na nagbahagi ng mahahalagang impormasyon ukol sa proseso ng reaccreditation at papel ng mga CSO sa mga desisyong may kinalaman sa pag-unlad ng komunidad.

Inaasahang magsusumite ng mga kaukulang dokumento ang mga kwalipikadong organisasyong nakadalo sa conference bilang bahagi ng kanilang aplikasyon para sa reaccreditation.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng layunin ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang malawak at makabuluhang partisipasyon ng mga mamamayan sa pamahalaan, at bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga organisasyong sibiko sa pagtataguyod ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan.