Palawan, nananatiling ASF-Free ayon sa Provet; mga ahensya ng pamahalaan, nagtipon upang palakasin ang bantay ASF Protocols

0
viber_image_2025-08-06_11-17-38-646

Nagtipon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan katuwang ang mga stakeholders mula sa Palawan sa isinagawang African Swine Fever (ASF) Consultation Meeting ngayong araw ng Agosto 6, 2025 sa VJR Hall ng kapitolyo bilang bahagi ng patuloy na kampanya upang mapanatiling ligtas ang lalawigan mula sa ASF.

Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) at ng Provincial Veterinary Office (ProVet) ang pagpupulong na may layuning palalimin pa ang kaalaman ng mga kalahok ukol sa umiiral na African Swine Fever (ASF) protocols, partikular sa pagbabantay sa mga points of entry ng lalawigan.

Sa naturang pulong, ibinida ni Provincial Veterinarian Dr. Darius Mangcucang na nananatiling ASF-free ang Palawan at kinikilala bilang isa sa anim na lalawigan sa buong bansa, at ang nag-iisang probinsya sa buong rehiyon ng MIMAROPA na kabilang sa green zone o mga lugar na walang kaso ng ASF.

Kabilang sa mga lumahok sa dayalogo ay ang mga kinatawan mula sa Bureau of Quarantine (BOQ), City Veterinary Office, Municipal Agriculture Offices ng bawat bayan, Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), at iba pang katuwang na ahensya.

Ayon sa ProVet, patuloy ang kanilang isinasagawang monitoring at surveillance sa mga bayan sa lalawigan. Kasabay nito, muling nanawagan ang pamahalaan sa publiko na iwasang magpasok ng buhay na baboy at mga produktong baboy mula sa labas ng lalawigan upang mapanatili ang kasalukuyang ASF-free status ng Palawan.

Source: Palawan PIO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *