CCF, namahagi ng mahigit 1,600 relief packs sa Bacnotan
Sa tulong ng aktibong pakikipag-ugnayan ni Mayor Divine Fontanilla, muling naghatid ng tulong ang Christ’s Commission Fellowship (CCF) sa mga barangay sa Bacnotan na matinding naapektuhan ng Bagyong Emong.
Katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Bacnotan, namahagi ang CCF ng kabuuang mahigit 1,600 relief packs sa mga pamilyang nasalanta sa mga barangay ng Quirino, Sta. Rita, Zaragoza, Cabarsican, Raois, Pandan, Poblacion, at Bulala.
Ang operasyon ay naisakatuparan sa pamamagitan ng masinsinang koordinasyon sa pagitan ni Mayor Fontanilla, Pastor Milton Luga, at G. Marvin Madayag, na nagsilbing tulay upang maabot ng CCF ang mga lugar na higit na nangangailangan ng ayuda.
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa lahat ng tumulong — kabilang ang mga opisyal ng barangay, volunteers, at mga kawani ng LGU — para sa walang sawang paglilingkod at malasakit sa gitna ng kalamidad.
Sa kabila ng pinsalang dulot ng bagyo, muling pinatunayan ng Bacnotan ang matatag na diwa ng bayanihan at pagkakaisa.