DOT VI, PRO6 at LGU Malay, nagsanib-pwersa sa 4-Day TOPCOP Seminar
Matagumpay na inilunsad ang apat na araw na Tourist-Oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP) Training Seminar sa Hue Hotel, Boracay Island, Malay, Aklan nito lamang ika-15 ng Agosto 2025.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Department of Tourism Region VI (DOT VI), katuwang ang Police Regional Office 6 (PRO6) at ang Pamahalaang Bayan ng Malay, Aklan.
Dinaluhan ito ng 50 kalahok mula sa Malay Municipal Police Station at iba’t ibang himpilan ng pulisya sa Aklan na sasailalim sa masusing pagsasanay upang higit na mapaigting ang kanilang kasanayan, kahandaan, at propesyonalismo sa pagtugon sa mga tungkuling may kaugnayan sa turismo, partikular sa Boracay Island.
Dumalo sa pagbubukas ng programa sina DOT VI Assistant Regional Director Phoebe Zelie C. Areño, PRO6 Chief, SOS/PSS, ROD PMAJ Christian P Mahometano, Malay Mayor Hon. Frolibar S. Bautista, at Malay MPS Officer-In-Charge PMAJ Marissa S Arellano.
Layunin ng programa na bigyan ang mga pulis ng sapat na kakayahan, propesyonalismo, at tamang pag-uugali na kinakailangan sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang tourist police.
Binibigyang-diin din niya na ang aktibidad na ito ay magsisilbing mahalagang hakbang upang lalo pang mapagtibay ang ugnayan at pagtutulungan ng DOT, PNP, at mga lokal na pamahalaan para sa mas ligtas na komunidad at destinasyon para sa mga lokal at banyagang turista.
Sa kabuuhan naging maayos at matagumpay ang takbo ng seminar, kasabay ng panawagan para sa aktibong partisipasyon ng lahat ng kalahok upang makamit ang mga layunin ng programa.
Ang matagumpay na paglulunsad ng TOPCOP Training Seminar ay malinaw na patunay ng matatag na kolaborasyon ng DOT VI, PRO6, at LGU Malay, Aklan isang halimbawa ng pagkakaisa para sa iisang layunin, ang seguridad at kaginhawaan ng bawat turista at mamamayan.
Source: Malay MPS