Pinagsanib na Foot at Seaborne Patrol, ipinatupad sa Boracay, Aklan
Matagumpay na isinagawa ang pinagsanib na foot at seaborne patrol mula Station 1 hanggang Station 3 katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng 2nd Aklan Provincial Mobile Force Company (PMFC), 2nd Maneuver Platoon, sa ilalim ng direktang superbisyon ni PMAJ DENNIS LAURENCE Y. BAUTISTA, Acting Force Commander, sa Boracay Island nito lamang ika-30 ng Agosto 2025.
Ang naturang operasyon ay alinsunod sa direktiba ng Municipal Mayor at bahagi ng tuloy-tuloy na synchronized patrol operations na layong mapanatili ang kaayusan, masiguro ang kaligtasan ng mga turista at residente, at ipatupad nang mahigpit ang mga batas pangkalikasan at lokal na ordinansa.
Kabilang sa mga katuwang ng PNP ang Philippine Coast Guard (PCG) na nanguna sa seaborne patrols sa paligid ng karagatang sakop ng Boracay, habang ang mga tauhan ng PNP naman ay nagsagawa ng foot patrol sa White Beach mula Station 1 hanggang 3, D’Mall, at mga itinalagang entry at exit points.
Sa pamamagitan nito, mas napalakas ang presensya ng kapulisan at iba pang ahensya sa mga pangunahing lugar ng isla.
Bukod dito, nakipag-ugnayan din ang PMFC sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Operations Center, Tourism Assistance Centers, at Environmental at Health Enforcement Teams.
Ang kanilang partisipasyon ay nagbigay-daan upang maging mas epektibo ang crowd management, pagbibigay ng agarang tulong sa turista at komunidad, gayundin ang pagpapatupad ng mga regulasyon gaya ng pagbabawal sa paninigarilyo, pagtatapon ng basura, at pag-inom ng alak sa mga ipinagbabawal na lugar.
Ipinahayag ng 2nd Aklan PMFC na ang mga pinagsanib na operasyon ay patunay ng matibay na kolaborasyon ng PNP at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko.
Layunin nitong matiyak na ang Boracay ay patuloy na mananatiling ligtas, maayos, at protektado laban sa anumang banta para sa kapakinabangan ng lokal na mamamayan at mga bumibisitang turista.
Source: 2nd Aklan PMFC FB Page