Kick-Off Ceremony para sa National Crime Prevention Week 2025 sa Bohol, dinaluhan ng mga Force Multipier
Dumalo ang mga kasapi ng iba’t Ibang Force Multipliers partikular na ang mga criminology interns mula sa Mater Dei College sa idinaos na Kick-Off Ceremony para sa National Crime Prevention Week 2025 sa pangunguna ng mga tauhan ng Tubigon Municipal Police Station sa pamumuno ni PCPT Carljobel P. Lofranco, Officer-in-Charge, noong ika-1 ng Setyembre 2025.
Kabilang sa mga bahagi sa naturang aktibidad ang mga kapulisan at Lokal na Pamahalaan ng Tubigon na pinamumunuan ni Municipal Mayor Hon. Malon R. Amila; Bureau of Fire Protection (BFP); Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang stakeholders.
Idinaos ang kick off kasabay ng Monday Flag Raising Ceremony na ginanap sa Tubigon Tennis Court, Brgy. Potohan, Tubigon, Bohol.
Ang pagtitipon ay nagsilbing hudyat ng opisyal na pagsisimula ng selebrasyon ng National Crime Prevention Week ngayong taon.
Dala ng pagdiriwang ang temang: “Sama-sama tayo at laging tandaan: Pinalakas na Pamahalaang Lokal para sa Ligtas na Pamayanan: Pagpapatibay ng mga Programa sa Pag-iwas sa Krimen sa Ilalim ng CSOP.”
Sa pamamagitan nito, binibigyang-diin ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng lokal na pamahalaan, kapulisan, at mamamayan upang mapanatili ang isang ligtas na pamayanan.
Layunin ng aktibidad na pataasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa crime prevention, palakasin ang ugnayan at kooperasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ng komunidad, at hikayatin ang lahat na makiisa sa mga programang nagsusulong ng kapayapaan at kaayusan.
Ang sama-samang presensya ng iba’t ibang sektor ay malinaw na patunay ng iisang mithiin para sa mas ligtas at mas maunlad na bayan.