Drug Awareness Symposium, isinagawa sa Toledo City, Cebu

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Crime Prevention Week na may temang “Pinalakas na Pamahalaang Lokal Para sa Ligtas na Pamayanan: Pagpapatibay ng mga Programa sa Pag-iwas sa Krimen sa Ilalim ng CSOP”, nagsagawa ang Toledo City Police Station sa pamumuno ni PLTCOL Wilfredo I. Alarcon Jr., Chief of Police, ng isang Drug Awareness Symposium para sa mga manggagawa ng Atlas Fertilizer Corporation, noong ika-1 ng Setyembre 2025.
Layunin ng nasabing aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga empleyado hinggil sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot at kung paano ito makaaapekto hindi lamang sa kanilang kalusugan at pamilya kundi pati na rin sa kanilang trabaho at komunidad.
Sa pamamagitan ng symposium, binigyang-diin ng kapulisan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng drug-free workplace upang mapanatili ang ligtas, maayos, at produktibong kapaligiran sa paggawa.
Bilang katuwang ng pamahalaang lokal at pribadong sektor, pinapalakas ng PNP-Toledo ang kanilang ugnayan upang magsilbing gabay sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa crime prevention at drug awareness.
Bahagi ang aktibidad ng Community and Service-Oriented Policing (CSOP) approach na naglalayong palakasin ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor para sa mas ligtas na pamayanan.
Ang matagumpay na pagtitipon ay hindi lamang isang paraan ng pagbibigay-impormasyon, kundi isa ring konkretong hakbang upang pagtibayin ang kultura ng pagiging responsable at disiplinado sa loob ng kompanya.
Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Atlas Fertilizer Corporation at ng Toledo City Police Station ang kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng isang lipunang malaya sa droga at kriminalidad.