PNP at BFP, nagkaisa sa school-based community outreach sa Ilocos Sur
Nagpamalas ng matibay na ugnayan at pagtutulungan ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinagawang School-Based Community Outreach Program ngayong ika-9 ng Marso sa Saoil Elementary School sa Poblacion, Quirino, Ilocos Sur.
Nakiisa sa aktibidad ang Regional Mobile Force Battalion 1, 102nd Maneuver Company sa pakikipagtulungan sa Quirino BFP upang maghatid ng iba’t ibang serbisyo para sa mga mag-aaral at residente ng komunidad.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Oliver L. Gaspar, Assistant Company Commander ng 102nd MC, aktibong nakilahok ang mga tauhan ng PNP sa mga programang naglalayong palakasin ang kamalayan at kapakanan ng mga kabataan. Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang Anti-Bullying lectures na nagbigay-kaalaman sa mga mag-aaral tungkol sa kahalagahan ng respeto, disiplina, at ligtas na kapaligiran sa paaralan.
Nagkaroon din ng iba pang makabuluhang gawain tulad ng zumba activity na nagbigay saya at kalusugan sa mga kalahok, pati na ang libreng gupit at iba pang community assistance programs na nakatulong sa mga mag-aaral at residente ng lugar. Ang mga serbisyong ito ay nagbigay ng dagdag na suporta sa komunidad habang pinapalakas ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng publiko.
Bukod sa pagbibigay-serbisyo, tiniyak din ng mga tauhan ng PNP at BFP ang seguridad at kaayusan ng lugar upang mapanatili ang kapayapaan habang isinasagawa ang programa. Ipinakita ng kolaborasyong ito ang patuloy na dedikasyon ng PNP at mga katuwang na ahensya sa paghahatid ng serbisyong may malasakit, kaligtasan, at mas matibay na pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Source: 102nd MC RMFB 1