Gigmoto MPS, mas pinalakas ang ugnayan sa Gigmoto RDHS kasabay sa National Crime Prevention Week

Sa patuloy na layunin nitong mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng pamayanan, mas pinaigting ng Gigmoto Municipal Police Station (MPS) ang pakikipag-ugnayan sa mga kabataan sa pamamagitan ng isinagawang aktibidad sa Gigmoto Rural Development High School noong Setyembre 2, 2025.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng National Crime Prevention Week (NCPW).
Layunin ng programa na palalimin ang kaalaman ng mga estudyante hinggil sa kahalagahan ng pakikiisa ng komunidad lalo na ng kabataan sa pagsugpo sa iba’t ibang uri ng kriminalidad.
Sa pamamagitan ng serye ng makabuluhang talakayan, information drives, at interaktibong aktibidad, naiparating ng Gigmoto MPS ang mahahalagang mensahe ukol sa pag-iwas sa krimen at pagiging responsableng mamamayan.
Tinalakay rin sa mga mag-aaral ang mga hakbang kung paano nila mapoprotektahan ang kanilang sarili laban sa mga panganib sa kanilang kapaligiran, kabilang na ang cybercrime, bullying, at iligal na droga.

Hinihikayat din nila ang mga kabataan na maging mapagmatyag, maging boses ng katotohanan, at huwag matakot magsumbong ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang paligid.
Ang aktibidad ay tumanggap ng positibong tugon mula sa mga guro at mag-aaral, na nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa patuloy na presensya at suporta ng Gigmoto MPS sa mga inisyatibang pangkaayusan at pangkaligtasan sa paaralan at buong komunidad.
Binigyang-diin din ng pamunuan ng Gigmoto MPS na ang pakikilahok ng kabataan ay mahalaga sa pagtataguyod ng isang ligtas, mapayapa, at maunlad na pamayanan.
Source: Gigmoto Mps Catanduanes Ppo