Palawan PPO at PDRRMO, nagpulong hinggil sa pagpapaigting ng road safety

Nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Palawan Provincial Police Office sa PDRRMO Headquarters, Brgy. Irawan, Puerto Princesa City noong Setyembre 4, 2025.
Ang pulong ay pinangunahan nina PDRRM Officer Jeremias Y. Alili at Palawan PPO Acting Provincial Director PCol. Jovito M. Atanacio, kasama ang ilan pang mga opisyal, kung saan tinalakay ang pagpapatibay ng kolaborasyon ng PNP at Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng PDRRMO upang higit na mapalakas ang mga programa at hakbangin para sa road safety at kaligtasan ng mga motorista at pasahero sa buong lalawigan ng Palawan. Ito ay alinsunod sa direktiba ni Gob. Amy R. Alvarez na lalong palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa lalawigan.
Samantala, bumisita rin si PCol. Atanacio sa himpilan ng Palawan Island Network (PIN) at sinabing sa mga susunod na pagkakataon ay makakasama na siya ni PMaj. Ric Ramos sa programang “Palawan PPO @ Ur Serbis” na regular na napapakinggan tuwing Biyernes simula alas-2:00 hanggang alas-3:00 ng hapon sa nasabing himpilan.
Source: Palawan Island Network