PDRRMO, nagsagawa ng life-saving techniques para sa mga kapulisan at force multipliers

Nagsagawa ng Orientation hinggil sa Life-Saving Techniques ang mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa ilang kapulisan at force multipliers sa PDRRMO Headquarters sa Brgy. Irawan, Puerto Princesa City noong Setyembre 5, 2025.
Ang aktibidad ay inisyatibo ng PDRRMO katuwang ang Puerto Princesa City Police Office-Police Station 2 (PPCPO-PS2), kung saan lumahok ang ilang pulis ng PS2 at force multipliers kabilang ang barangay tanod ng Irawan, Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force, at Mata ng Masa Task Force.

Ilan sa mga itinuro sa mga kalahok ay ang iba’t ibang paraan ng pagresponde, tamang paraan ng pagbenda sa biktima, Water Rescue Techniques, at Water Safety Tips.
Nagkaroon din ng simulation exercise ang mga lumahok, kung saan binigyan sila ng senaryong gaya ng totoong pagsubok tulad ng pagresponde sa mga biktima ng lindol na sinundan ng landslide, na kinakailangan nilang sagipin at ilipat sa ligtas na lugar.
Layunin ng aktibidad na mapalawak pa ang kaalaman ng mga kalahok sa iba’t ibang paraan ng pagsagip ng buhay sa panahon ng sakuna.
Source: Palawan Island Network