Palawan EOC, naka-alerto sa posibleng epekto ng bagyong Opong
Itinaas na ang “Red Alert Status” sa Emergency Operations Center (EOC) ng Palawan provincial government dahil sa posibleng maging epekto ng bagyong Opong at habagat sa lalawigan ngayong araw Setyembre 26, 2025.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ngayong umaga, alinsunod ito sa kautusan ni Governor Amy Roa Alvarez na naglalayong mas makapaghanda at matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan mula sa iba’t-ibang munisipyo ng Palawan sa banta ng bagyong Opong at epekto ng Habagat. Katuwang nila ang mga kapulisan ng Palawan Coastguard at iba pang ahensya ng gobyerno na nakahandang rumesponde sa oras ng pangangailangan.

Kabilang sa nasabing kautusan ni Gov. Amy ang pag-obliga sa lahat ng Provincial DRRM Council Members, Response Clusters, at mga Local DRRM Councils sa Palawan na magsumite ng kani-kanilang “preparedness measures” at “inventory of stockpiles and prepositioned resources” gayundin ang pagpapadala ng “situational at incident reports” kaugnay sa mga posibleng mangyari sa kanilang lugar dahil sa nararanasang masamang panahon.
Samantala, patuloy din ang paala-ala ng Pamahalaang Panlalawigan sa lahat na manatiling naka-alerto at mag-iingat para sa kaligtasan ng lahat.
Source: Palawan network