PBBM, dumating sa Gonzaga para sa mga nasalanta ng Bagyong Nando
Bilang Bahagi ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa mga nangangailangan sa harap ng kalamidad, dumating si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa bayan ng Gonzaga, Cagayan upang personal na mag-abot ng tulong sa mga mamamayang labis na naapektuhan ng Super Typhoon Nando ngayong araw, ika-27 ng Setyembre 2025.
Mainit siyang sinalubong ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay, kasama ang mga regional director ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA) mula sa Rehiyon 2. Nandoon din ang mga alkalde at lokal na opisyal mula sa iba’t ibang munisipyo upang sumuporta sa aktibidad.
Personal na pinangunahan ni PBBM ang pamamahagi ng mga Family Food Packs sa mga pamilyang nawalan ng kabuhayan at tahanan dahil sa bagyo. Maliban dito, naghatid din siya ng mga farm inputs gaya ng binhi at abono upang matulungan ang mga magsasaka sa kanilang muling pagbangon.
Patuloy ang panawagan ng Pangulo sa pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat, lalo na sa panahon ng sakuna. Ipinangako rin niyang hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga Cagayano sa kanilang pagbangon mula sa trahedya.
Source :Cagayan Provincial Information Office