Ilocos Norte PPO at Toyota, namahagi ng reflectorized vests bilang suporta sa Project V.E.S.T.
Pinagtibay ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) ang kanilang adbokasiya sa community policing matapos mamahagi ng reflectorized vests para sa mga tricycle driver sa bayan ng San Nicolas noong Marso 10, 2026.
Ang aktibidad ay isinagawa sa pamamagitan ng Provincial Community Affairs and Development Unit, katuwang ang Toyota Ilocos Norte at San Nicolas Municipal Police Station, bilang suporta sa Project V.E.S.T. ng Provincial Director na naglalayong mapalakas ang kaligtasan sa mga kalsada.
Bahagi ng programa ang pamimigay ng kabuuang 100 reflectorized vests na donasyon ng Toyota Ilocos Norte para sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa San Nicolas.
Layunin ng inisyatiba na mapataas ang visibility ng mga tricycle driver, lalo na sa gabi, upang maiwasan ang aksidente at mas maprotektahan ang mga pasahero at iba pang motorista.
Sa pamamagitan ng Project V.E.S.T., ipinakita ng Ilocos Norte Police Provincial Office na ang epektibong pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ay hindi lamang nakasalalay sa pulisya kundi sa matibay na pagtutulungan ng buong komunidad. Patunay ito na sa pamamagitan ng kooperasyon ng pribadong sektor, lokal na pamahalaan, at mamamayan, mas nagiging ligtas ang mga lansangan at komunidad sa lalawigan.
Source: Ilocos Norte PPO