BPATs, nakiisa sa “Oplan Pulot Basura” para sa malinis at ligtas na kapaligiran sa Alfonso Castañeda
Aktibong nakiisa ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa isinagawang “Oplan Pulot Basura” noong Hunyo 12, 2026 sa bayan ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Alfonso Castañeda Police Station, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), mga miyembro ng BPAT, at ang Local Government Unit (LGU) ng Alfonso Castañeda, ang nasabing aktibidad bilang bahagi ng kanilang sama-samang adbokasiya para sa pangangalaga ng kapaligiran at kaligtasan ng komunidad.
Layunin ng programa na palakasin ang kamalayan ng mamamayan hinggil sa kahalagahan ng kalinisan, pangangalaga sa kalikasan, at aktibong pakikilahok sa pagpapanatili ng isang ligtas, malusog, at napapanatiling kapaligiran para sa lahat.
Nagtulungan ang mga kalahok sa paglilinis ng mga pampublikong lugar sa pamamagitan ng pangangalap at wastong pagtatapon ng mga basura at iba pang waste materials na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan, kaligtasan, at kapaligiran. Ipinakita ng aktibidad ang diwa ng bayanihan at malasakit ng komunidad sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa kanilang lugar.
Patuloy na sinusuportahan ng mga miyembro ng BPAT sa Alfonso Castañeda ang mga programang isinusulong ng Alfonso Castañeda Police Station na nakatuon sa pangangalaga ng kalikasan, pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan sa komunidad, at pagtataguyod ng mas ligtas at maayos na pamayanan. Ang mga ganitong inisyatiba ay kaakibat ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” tungo sa isang mas malinis, ligtas, at maunlad na komunidad.
Source: Alfonso Castañeda Police Station