Blood-letting activity, tampok sa National Disaster Resilience Month Kick-off sa Cagayan
Matagumpay na isinagawa ang blood-letting activity bilang bahagi ng kick-off ceremony ng National Disaster Resilience Month (NDRM) noong Hulyo 1, 2026 sa Capitol Gymnasium, Tuguegarao City.
Pinangunahan ang aktibidad ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nilahukan ng mga uniformed personnel mula sa Philippine National Police (PNP), partikular ang Santo Niño Municipal Station, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang Task Force Lingkod Cagayan–Quick Response Team (TFLC-QRT), Provincial Office for People Empowerment (POPE), at iba pang boluntaryong donor mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Umabot sa 70 bags ng dugo ang nakolekta sa naturang aktibidad sa tulong ng Provincial Health Office (PHO). Ang mga nakolektang dugo ay ilalaan sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) upang matiyak ang sapat na suplay para sa mga pasyenteng nangangailangan, lalo na sa mga oras ng emerhensiya.
Layunin ng blood-letting activity na mapanatili ang sapat na suplay ng dugo sa mga ospital at mapalakas ang kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagtugon sa mga kalamidad at iba pang emergency situations sa lalawigan ng Cagayan.
Source: Cagayan Provincial Information Office