Community Action for Resilience and Emergency Support (CARES) Training, inilunsad sa Malinao, Albay
Matagumpay na inilunsad ang Community Action for Resilience and Emergency Support (CARES) Training sa pangunguna ng 14th Special Forces “Swordfish” Company, 14th Special Forces Battalion, SFR (A), SOCOM, Philippine Army, noong Agosto 30, 2026 sa Covered Court ng Barangay Labnig, Malinao, Albay.
Nakibahagi sa programa ang mga tauhan ng Malinao Municipal Police Station (MPS) kung saan nagsilbi bilang guest lecturer si PCMS Sherell M. Kallos, WCPD PNCO ng Malinao MPS, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCPT Ivyn E. Villanueva, Officer-in-Charge. Kabilang sa kanyang tinalakay ang mga karaniwang nalalabag na espesyal na batas na may kaugnayan sa kababaihan at mga bata.

Binigyang-diin sa talakayan ang Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act of 2004, kabilang ang iba’t ibang uri ng karahasang saklaw nito, maagap na pag-uulat ng mga insidente ng pang-aabuso, at mahalagang papel ng bawat miyembro ng komunidad sa pag-iwas sa karahasan at pagprotekta sa karapatan, kaligtasan, at kapakanan ng kababaihan at mga bata.
Namahagi rin ang grupo ng mga informational flyer tungkol sa mahahalagang probisyon at paalala ng RA 9262 upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok.
Dumalo sa pagsasanay ang mga miyembro ng Barangay Council, Barangay Tanods, Lupon Tagapamayapa, at Barangay Health Workers (BHWs) mula sa Barangays Labnig, Awang, at Tuliw.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, napalalakas ng kapulisan ang kakayahan ng mga barangay na tumugon nang wasto sa mga insidenteng may kinalaman sa kababaihan at mga bata upang higit na napagtitibay ang sama-samang pagkilos tungo sa isang ligtas, maayos, at mas matatag na komunidad.