Isang Patak ng Kabutihan, Buhay ang Kapalit: Tagumpay ng Kooperasyon ng Kapulisan at Mamamayan sa Bloodletting Activity sa Pangasinan

0
viber_image_2025-08-06_12-04-14-826

Nitong ika-4 ng Agosto 2025, isang Bloodletting Activity ang matagumpay na isinagawa ng 104th Maneuver Company sa ilalim ng pangangasiwa ni PMaj Ronnel K. Balangcod na ginanap sa kanilang himpilan sa San Roque Power Corporation Compound, San Roque, San Manuel, Pangasinan.

Katuwang ang Philippine Red Cross – Pangasinan Chapter, Urdaneta City Branch, Pangasinan, mga empleyado ng San Roque Power Corporation (SRPC) at mga On-the-Job Trainees (OJT) mula sa Panpacific University, pinatunayan nilang ang isang patak ng kabutihan ay maaaring magbigay ng karugtong na buhay sa iba.

Ang tagumpay ng naturang aktibidad ay hindi lamang dahil sa mabuting intensyon, kundi sa matibay na kooperasyon ng mga sektor sa komunidad. Ang pagkakaisa ng mga miyembro ng kapulisan, mga bulontaryo, empleyado, at estudyante ay nagpapakita na ang serbisyong makatao ay hindi lamang tungkulin ng isang institusyon, kundi ng buong sambayanan.

Hindi matatawaran ang halaga ng isang bag ng dugo. Ito ay maaaring magsalba ng isang ina, isang anak, isang sundalo, o isang ordinaryong mamamayan. Ang pagbubuklod ng iba’t ibang grupo para sa layuning ito ay isang makapangyarihang halimbawa at nagbibigay ng tunay na kahulugan ng bayanihan. Ang mga aktibidad na tulad nito ay nagsisilbing paalala na ang kabayanihan ay hindi laging nasusukat sa malalaking kaganapan, minsan, sapat na ang isang patak ng dugo o isang munting hakbang ng malasakit.

Sa patuloy na pagkakaisa ng kapulisan at mga sibilyang organisasyon, nawa’y mas marami pang buhay ang ating maabot at matulungan.

Source: 104th Maneuver Company

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *