Kapulisan ng Iloilo City at LGU, higit na pinagtibay ang mga programa laban sa Kabataan Gang
Sa gitna ng lumalalang isyu ng karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan, kasunod ng insidente ng rambol sa Gaisano ICC Grounds sa San Rafael, Mandurriao, Iloilo kung saan 22 kabataan ang nasangkot, at 19 dito ay menor de edad.
Agad na inatasan ni Mayor Raisa Treñas, alcalde ng Iloilo City ang pagpapatibay ng “Batang Pandilla Program” na ngayo’y tinatawag na “Rise for Protection”, isang programa na sinimulan ng Iloilo City Police Office- Women and Children Protection Desk (ICPO-WCPD) na ginanap nito lamang ika-4 ng Agosto 2025.
Sa pagtutulungan ng kapulisan at LGU layunin ng nasabing programa na mailayo ang kabataan sa kapahamakan at muling pagkasangkot sa mga street crimes at gang-related activities.
Kaagapay ng Iloilo City Police Office ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), mga konsehal ng lungsod, at mga hepe ng pulisya, binigyang diin ang pangangailangang muling paigtingin ang edukasyon at interbensyon para sa kabataan.
Ayon kay Ms. Joy Fantilaga-Gorzal, tagapagsalita ng alkalde, pangunahing tututukan ng “Rise for Protection” ang kampanya kontra gang recruitment sa pamamagitan ng education drives at mga lecture sa mga paaralan.
Ipinag-utos din ng Alkalde na ipatawag ang Schools Division of Iloilo City upang masusing matutukan ang mga kabataang sangkot, na pawang mga estudyante mula sa City Proper, Molo, at Arevalo.
Kasabay nito, paiigtingin din ng pulisya ang presensya sa mga pampublikong lugar tulad ng plaza at pamilihan upang maagapan ang anumang uri ng gulo.
Katuwang ng lungsod ang mga magulang, guro, at barangay officials sa pagpapatupad ng mga diversion programs na makatutulong sa pagbabalik-loob ng kabataan tungo sa pagiging responsableng mamamayan.
Sa kabuuan, ang reaktibasyon ng programa ay hakbang tungo sa mas ligtas na kinabukasan para sa kabataan.
Sa tulong ng edukasyon, suporta ng pamilya, at pakikiisa ng pamahalaan, mas mapapalayo sila sa kapahamakan.
Sa sama-samang pagkilos, maitataguyod natin ang isang komunidad na ligtas at makatao para sa susunod na henerasyon.
Source: Aksyon Radyo Iloilo 720