Bloodletting Activity, muling inilunsad sa Tagbilaran City, Bohol
Nakilahok ang mga tauhan ng Tagbilaran City Police Station (TCPS) sa isinagawang Bloodletting Activity na ginanap sa Tagbilaran City Hall Atrium nitong Setyembre 22, 2025
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Governor Celestino Gallares Memorial Hospital (GCGMH) katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Tagbilaran, bilang tugon sa pangangailangan ng sapat at ligtas na suplay ng dugo para sa mga pasyente.
Layunin din nitong itaguyod ang diwa ng bolunterismo at malasakit sa kapwa.
Ipinakita ng mga pulis ng TCPS na ang kanilang serbisyo ay hindi lamang nakasentro sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi pati na rin sa pagtulong upang mailigtas ang buhay ng iba.
Sa kanilang boluntaryong pag-alay ng dugo, ipinamalas nila na ang pagiging alagad ng batas ay kaakibat ng pagiging lingkod-bayan na handang mag-alay ng sarili para sa kapakanan ng komunidad.
Muling ipinakita ng matagumpay na pagtutulungan ng ospital, lokal na pamahalaan, at mga unipormadong tauhan ang kahalagahan ng bayanihan sa pagtugon sa mga pangangailangang panlipunan.
Tiniyak ng TCPS ang patuloy na pagsuporta sa mga programang pangkomunidad na nagtataguyod ng pagkakaisa, malasakit, at pag-asa para sa mas ligtas at mas maayos na pamayanan.