World Day Against Child Labor 2026 , idinaos sa Negros Oriental
Matagumpay na idinaos ng mga awtoridad sa lalawigan ng Negros Oriental ang World Day Against Child Labor 2026 sa pamamagitan ng Information Service Caravan at Community Outreach Activity na ginanap sa Manjuyod Activity Center, Poblacion, Manjuyod, Negros Oriental nito lamang ika-11 ng Hunyo 2026.
Sa ilalim ng temang “Ikaw, Ako, Tayo: Sama-samang Pagkilos para sa Batang Malaya,” nagtipon-tipon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, non-government organizations, at mga stakeholder ng komunidad upang palakasin ang kamalayan ng publiko at isulong ang sama-samang pagkilos laban sa child labor at iba pang anyo ng pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata.
Naging sentro ng tagumpay ng programa ang walang sawang pagsisikap ng kapulisan na hindi lamang naghatid ng mahahalagang impormasyon kundi nagbigay rin ng konkretong tulong sa komunidad. Sa pamamagitan ng “Tsinelas ni Tsip” Program, kasama ang pamamahagi ng school supplies, hygiene kits, at iba pang pangunahing pangangailangan, umabot sa mahigit 200 benepisyaryo ang natulungan ng nasabing outreach activity.
Ipinakita ng mga nagpasimuno ng programa na ang paglaban sa child labor ay hindi lamang usapin ng pagpapatupad ng batas kundi isang sama-samang responsibilidad upang mabigyan ng ligtas na kinabukasan ang bawat bata.
Sa pamamagitan ng maagang edukasyon at pakikipag-ugnayan sa komunidad, layunin nilang mapigilan ang mga sitwasyong nagtutulak sa mga kabataan na mapabilang sa child labor at iba pang mapanganib na gawain.
Sa bawat batang nailalayo sa pagsasamantala at nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral at mangarap, isang hakbang ang nagagawa tungo sa isang mas ligtas, mas makatarungan, at mas maunlad na Bagong Pilipinas.