Charity Groups at PNP, naghatid ng pag-asa sa mga pamayanan sa Ilocos Norte
Nagkaisa ang So Good Team, Pamilya Araceli at Tito Cute Charity Works, at mga miyembro ng 101st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB 1) sa pagsasagawa ng makabuluhang gawaing pangkomunidad sa ilalim ng programang “Kapwa Ko, Sagot Ko” noong Hunyo 19, 2026.
Sa loob ng mahigit tatlong taon, patuloy nang naghahatid ng ngiti, pag-asa, at tulong sa mga nangangailangan ang naturang charity groups. Bilang pakikiisa sa kanilang adhikain ng malasakit at paglilingkod, nakiisa rin ang mga pulis ng 101st Maneuver Company sa pamamahagi ng food packs sa mga benepisyaryo sa Brgy. La Paz at Brgy. Gabu Sur sa Laoag City, kabilang ang Sitio Liwliwa, gayundin sa Brgy. Caunayan sa Pagudpud, Ilocos Norte.

Bukod sa pamamahagi ng tulong, nagsagawa rin ang grupo ng feeding program at gift-giving activities para sa mga mag-aaral ng Cabuloan Elementary School sa Sarrat at mga kabataan ng Luzong Elementary School sa Brgy. Baduang, Pagudpud.
Layunin ng programa na maipadama sa mga benepisyaryo na may mga taong handang umalalay at magbigay ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, naipakita ang tunay na diwa ng bayanihan, pagkakaisa, at malasakit sa kapwa.
Patunay ang gawaing ito na sa simpleng pagtulong at pagbibigay, maaaring makapaghatid ng malaking pagbabago at inspirasyon sa buhay ng mga nangangailangan.
Source: 101st MC, RMFB 1