Mga mangingisda at barangay officials, nakiisa sa Yaru (Bayanihan) bilang paghahanda sa Bagyong “Inday”
Matagumpay na isinagawa ang Yaru (Bayanihan) Initiative bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon “Inday.” Nagtulung-tulong ang mga mangingisda, mga opisyal ng barangay, at iba pang miyembro ng komunidad sa paghakot at paglilipat ng mga bangkang de-motor sa mga ligtas na lugar sa Sabtang, Batanes noong Hulyo 7, 2026.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Sabtang Police Station, sa ilalim ng pamumuno ni PCpt Ivy D. Barrera, Acting Chief of Police, ang naturang aktibidad sa pakikipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), mga mangingisda, mga opisyal ng barangay, at iba pang katuwang sa komunidad.
Sa isinagawang aktibidad, sama-samang inilipat ang mga bangkang de-motor sa mga itinalagang ligtas na lugar upang maprotektahan ang mga ito laban sa malalakas na hangin, matataas na alon, at posibleng storm surge na dulot ng paparating na bagyo.
Layunin ng aktibidad na higit pang patatagin ang koordinasyon at pagtutulungan ng kapulisan, lokal na pamahalaan, at komunidad sa pagpapatupad ng mga hakbang sa disaster preparedness, gayundin sa pangangalaga sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Bahagi rin ito ng patuloy na pagsusulong ng isang ligtas, matatag, at handang pamayanan, alinsunod sa adhikain ng Bagong Pilipinas.
Source: PNP Sabtang Municipal Police Station