MLSS Caravan, isinagawa sa Guihulngan City, Negros Oriental

0
viber_image_2026-07-09_13-23-09-189

Naghatid ng kalinga, pag-asa, at tunay na malasakit ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Guihulngan sa pamamagitan ng Medical, Legal, and Social Services (MLSS) Program and Service Caravan sa mga mamamayan ng Sitio Cayaocao, Barangay Balogo, Guihulngan City noong Hulyo 8, 2026.

Muling pinatunayan ng lokal na pamahalaan ng Guihulngan na ang tunay na diwa ng serbisyo publiko ay ang paglapit sa mga komunidad na higit na nangangailangan. Ang inisyatibong ito ay naging patunay na ang pamahalaang may malasakit ay hindi naghihintay na lapitan—ito mismo ang kusang lumalapit upang maghatid ng tulong, pag-asa, at pagbabago.

Nakiisa sa naturang Caravan ang Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO) sa ilalim ng pamumuno ni Provincial Director PCOL TIMMAR J. ALAM kung saan aktibong nakiisa ang pulisya sa makabuluhang gawaing ito, kasama ang mga opisyal at kawani ng tanggapan.

Nakipagtulungan ang NOrPPO sa Pamahalaang Panlalawigan ng Negros Oriental sa pangunguna ni Governor Manuel “Chaco” L. Sagarbarria, Pamahalaang Lungsod ng Guihulngan sa ilalim ni Mayor Filomeno “Mikoy” L. Reyes, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan upang maisakatuparan ang iisang layunin ang mailapit ang serbisyong may malasakit, pag-aaruga, at pag-asa sa bawat mamamayan.

Mahigit 1,200 residente ang nakinabang sa iba’t ibang libreng serbisyo, kabilang ang medical at dental consultations, minor surgical procedures, laboratory services, legal assistance, veterinary services, agricultural support, livelihood assistance, haircut, manicure at pedicure, pamamahagi ng reading glasses, at ear-piercing services.

Ang bawat serbisyong ipinagkaloob ay sumasalamin sa paniniwalang ang bawat Pilipino, saan mang sulok ng lalawigan naroroon, ay may karapatang makatanggap ng dekalidad, maagap, at makataong serbisyo mula sa pamahalaan.

Bilang bahagi ng patuloy na programa ng NOrPPO sa pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad, namahagi rin ang mga kapulisan ng 150 pares ng tsinelas sa ilalim ng “Tsinelas ni Tsip” Program. Bagama’t tila simpleng handog lamang, ang bawat pares ng tsinelas ay naging simbolo ng malasakit, pag-aaruga, at pagnanais na maipadama sa bawat benepisyaryo na sila ay mahalaga, pinahahalagahan, at hindi nakakalimutan ng pamahalaan.

Higit pa sa pagbibigay ng mga libreng serbisyo, ang MLSS Program and Service Caravan ay nagsisilbing tulay upang higit pang mapatatag ang tiwala, pagkakaisa, at pakikipagtulungan ng pamahalaan at ng mamamayan. Ipinakikita nito na ang tunay na tagumpay ng isang programa ay hindi lamang nasusukat sa dami ng serbisyong naihatid, kundi sa pag-asang naibalik, sa mga buhay na nabigyan ng bagong pagkakataon, at sa mga pusong muling naniwalang may pamahalaang handang umalalay at umabot sa kanila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *