2nd Cagayan PMFC at MHO, magkatuwang sa pagsusulong ng kapakanan ng kabataan
Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaligtasan, at kapakanan ng kabataan, matagumpay na nagsagawa ang 3rd Maneuver Force Platoon (MFP), 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC), katuwang ang Municipal Health Office (MHO) at Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC), ng isang symposium para sa mga kabataan ng Barangay Sicalao, Lasam, Cagayan noong Agosto 1, 2026.
Pinangunahan ni PCMS Jayson T. Gaffud, Platoon Senior PNCO, ang aktibidad kasama sina Dr. Lorelie R. Remandong MHO, Mrs. Carol Garcia ng MADAC, at mga opisyal ng Barangay Sicalao sa pangunguna ni Hon. Jofel Ramos, Punong Barangay. Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 50 kabataan na nabigyan ng mahahalagang kaalaman hinggil sa radicalization, pag-iwas sa recruitment ng mga makakaliwang grupo, ilegal na droga, bullying, at ang mahalagang papel ng kabataan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Nagbigay rin si Dr. Remando ng talakayan tungkol sa teenage pregnancy, kabilang ang mga sanhi, epekto, at kahalagahan ng tamang impormasyon, responsableng pagpapasya, at pangangalaga sa kalusugan. Naging mas makabuluhan ang programa sa pamamagitan ng interactive activities at open forum na nagbigay ng pagkakataon sa mga kabataan na magtanong at magbahagi ng kanilang mga saloobin.
Ang aktibidad ay bahagi ng Teen Talk 2026 ng MHO na may temang “Empowering Voices, Shaping Futures,” at isinabay sa Project ALERT (Awareness Lecture to End waR on Terrorism and Illegal Drugs) ng 2nd Cagayan PMFC.
Layunin ng mga programang ito na palakasin ang kamalayan ng kabataan laban sa iba’t ibang banta sa kanilang kaligtasan at kinabukasan, at mahubog sila bilang responsable, mapanuri, at aktibong katuwang sa pagpapanatili ng isang ligtas, mapayapa, at maunlad na pamayanan.
Source: PNP 2nd Cagayan PMFC