Kalinga PPO, nakipagdayalogo sa mga lider ng komunidad para sa mapayapang resolusyon ng tribal boundary dispute
Nakipagpulong kamakailan si PCol Peter D. Ngabit Jr., Officer-in-Charge ng Kalinga Provincial Police Office (KPPO), sa mga opisyal ng barangay at nakatatanda mula sa Brgy. Loccong, Proper Butbut, at Tulgao sa bayan ng Tinglayan, Kalinga, kaugnay ng nagpapatuloy na sigalot sa hangganan ng teritoryo sa pagitan ng mga sub-tribong Butbut at Tulgao.
Layunin ng dayalogo na hikayatin ang magkabilang panig at ang buong komunidad na iwasan ang anumang marahas o padalus-dalos na hakbang at sa halip ay isulong ang mapayapang pagresolba sa usapin sa pamamagitan ng bukas na komunikasyon at patuloy na pag-uusap. Binigyang-diin din ni PCol Ngabit ang pagiging neutral at walang kinikilingan ng PNP sa pagharap sa naturang sigalot.

Pinakinggan din ng opisyal ang mga hinaing at panig ng mga opisyal ng barangay at nakatatanda, at tiniyak na ilalahad ang mga ito sa pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) para sa karagdagang talakayan. Nanawagan din siya ng pakikiisa upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente, lalo na ng mga bata at mag-aaral, nang sa gayon ay makabalik sila sa paaralan at maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral nang walang pangamba o abala.
Muling tiniyak ng Kalinga PPO ang patuloy na pakikipagtulungan nito sa mga lokal na lider at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan, maisulong ang patas na pag-uusap, at makamit ang pangmatagalang resolusyon sa sigalot. Kinikilala ng kapulisan na mahalaga ang pagkakaisa at mapayapang pag-uusap sa pangangalaga sa buhay, kaligtasan, at kinabukasan ng bawat mamamayan.
Source: Kalinga PPO (https://www.facebook.com/share/p/1A3k1fCXk9/)