Sangguniang Kabataan Officials ng Cebu City, nagtipon para sa 24th Federation General Assembly
Hindi lamang tungkol sa pagiging lider. Kailangan din itong samahan ng kaalaman, pananagutan, at kahandaang maglingkod. Ito ang naging sentro ng dalawang araw na pagtitipon ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Cebu City para sa SK Mandatory Training at 24th SK Federation General Assembly noong Agosto 15 hanggang 16, 2026 sa Arterra Resort and Hotel sa Lapu-Lapu City.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga batang lider sa larangan ng youth governance, public administration, at responsableng paggamit ng pondo at iba pang resources ng pamahalaan.
Kabilang sa mahahalagang tinalakay ang Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act at ang implementing rules and regulations nito. Binigyang-pansin dito ang mga proseso tulad ng competitive bidding, direct acquisition, at small-value procurement.
Pinangunahan ang talakayan ni Atty. Ian Kenneth B. Lucero, isang kinikilalang trainer ng Government Procurement Policy Board at Assistant Regional Director ng Department of the Interior and Local Government Region VII.
Tinalakay rin ang mga findings ng Commission on Audit, isinagawa ang open forum, at isinagawa ang evaluation upang higit na maunawaan ng mga SK official ang kahalagahan ng transparency, accountability, at wastong pamamahala sa kanilang tungkulin.
Sa ikalawang araw, isinagawa ang 24th SK Federation General Assembly, kung saan nagtipon ang mga SK leader ng Cebu City upang pag-usapan ang mga usaping pang-federation, pag-ugnayin ang mga youth initiatives, at talakayin ang mga hamong kinakaharap ng kabataan sa kani-kanilang komunidad.
Higit sa isang training at general assembly, nagsilbi itong pagkakataon para sa mga batang lider na matuto, makipagpalitan ng ideya, at higit na maunawaan ang bigat ng kanilang responsibilidad sa pamahalaan at komunidad.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at paghubog sa mga kabataang lider, isinusulong ng Cebu City ang isang henerasyong handang maglingkod—may kakayahan, may pananagutan, at may malasakit sa kapwa, tungo sa isang smart, sustainable, and inclusive Cebu City.