Cateel LGU, nag-donate ng Bajaj Maxima Cargo sa R-PSB sa Davao Oriental

0
IMG_20261010_110553

Pinalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Cateel ang kakayahang makakilos at makapaglingkod sa pamamagitan ng pagdonate ng isang Bajaj Maxima Cargo na gagamitin ng mga miyembro ng Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Cluster 4 sa Cateel, Davao Oriental.

Nag-trending sa social media ang nasabing sasakyan at umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizen. May ilan na pinagtawanan ito, habang ang iba naman ay nag-isip na hindi ito makatutulong. Gayunpaman, para sa mga residente ng malalayong lugar, malaking tulong na ito, lalo na sa mga pulis na walang ibang layunin kundi ang maglingkod sa mamamayan.

Sa kasalukuyan, ginagamit na ng R-PSB Cluster 4 ang nasabing sasakyan na may logo ng kapulisan upang mas maayos na mapaglingkuran ang mga residente sa lugar. Malaking tulong ito dahil kaya nitong makapasok sa mga liblib na lugar at maghatid ng mga produkto ng mga magsasaka, lalo na sa mga daan sa kabundukan na kalabaw at baka lamang ang karaniwang nakakadaan.

Hindi binili ng Philippine National Police (PNP) ang nasabing sasakyan. Sa halip, ito ay isang kusang-loob at taos-pusong donasyon mula sa Pamahalaang Bayan ng Cateel sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Emilou C. Nuñez, upang higit pang mapahusay at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.

Nagpahayag naman ng malaking pasasalamat at pagkilala ang Police Regional Office 11, sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Benigno L. Guzman, Acting Director, sa Lokal na Pamahalaan ng Cateel.

Patunay ito ng pagtutulungan ng PNP at ng lokal na pamahalaan upang maihatid ang angkop at maayos na serbisyong pampubliko para sa mamamayan at makamit ang kaunlaran ng ating bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *