PBBM, pinangunahan ang pagdiriwang ng ika-123 na Anibersaryo ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas
Matagumpay na ginunita at ipinagdiwang ng buong pwersa ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ang kanilang ika-123 na Anibersaryo na may temang “Sa Bagong Pilipinas, Ang Gusto ng Pulis Ligtas Ka!,” na ginanap sa Camp BGen Rafael T. Crame sa Quezon City nito lamang Agosto 8, 2024.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdiriwang na siyang naging panauhing pandangal at tagapagsalita, kasama si Secretary Benjamin Abalos Jr. ng Department of Interior and Local Government.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos Jr. ay kanyang binigyang pugay ang mga reporma sa PNP sa ilalim ng pamumuno ni PGen Rommel Francisco D. Marbil, PNP Chief, at ang mga tagumpay nila sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas kung saan naging mas matibay ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa komunidad upang makamit ang isang mas mapayapa at mas maunlad na bansa.
“Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ang ating kapulisan ay maaasahan, malalapitan, at mapagkakatiwalaan. Malakas ang kumpiyansa at matatag ang ugnayan sa pagitan ng pulisya at sa sambayanan. At tayong lahat ay nagkakaisa sa ating mithiing makamit ang isang mas mapayapa at maunlad na bayan,” pahayag ni PBBM.
“Aking kinikilala ang matinding determinasyon ng ating mga pulis na mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at pagkakaisa ng ating minamahal na bansa. Saludo ako sa lahat ng opisyal at kawani ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni PGen Rommel Marbil,” dagdag pa niya.
Ang mga nasabing pahayag ay ilan lamang sa mga pagkilala ni Pangulong Marcos Jr. sa PNP na siya sanang magsilbing inspirasyon sa lahat ng aktibong PNP personnel na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at patuloy na ipatupad ang kanilang mandato na pigilin at kontrolin ang mga krimen, panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng bansa.
Kaya naman sa pagdiriwang ng ika-123 Anibersaryo ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, nawa’y maging inspirasyon ang mga tagumpay nila upang magsikap pa at higit pang pag-ibayuhin ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan. Sa patuloy na pagsisikap at pagkakaisa, tiyak na makakamtan ang tunay na pagbabago at kaunlaran para sa Bagong Pilipinas.