City of Gold Writing Workshop, idinaos sa CDO
Matagumpay na idinaos ang seminar-workshop na may temang “Writing and Publishing the City of Gold” noong ika-3 ng Mayo 2025 sa lungsod ng Cagayan de Oro.
Pinangunahan ng City Museum and Heritage Studies Center katuwang ang Nagkahiusang Magsusulat sa Cagayan de Oro (NAGMAC) ang naturang aktibidad.
Dumalo sa naturang aktibidad ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor tulad ng mga estudyante, guro, mga propesyonal, blogger, at content creators mula sa lungsod.
Layunin ng pagsasanay na ito na palakasin ang lokal na ugnayang pangkultura at ipakita ang suporta sa mga bagong manunulat upang mapaunlad ang kanilang kaalaman at kasanayan sa larangan ng panitikan.
Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kultura at sining, lalo na sa pagpapalago ng panitikang lokal at pagbibigay-daan sa mga bagong tinig na maipahayag ang kanilang mga kwento hinggil sa “City of Gold.”
