Mas pinalakas na pagsasanay ng mga miyembro ng BPATs, isinagawa ng Laua-an MPS
Sa pangunguna ni PMAJ Josielito M Yana, Officer-in-Charge ng Laua-an Municipal Police Station ay matagumpay na isinagawa ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPATS) Training at Seminar, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-30 Police Community Relations (PCR) Month, nito lamang ika-4 ng Hulyo, 2025, sa Barangay Guinbanga-an, Laua-an, Antique.
Ang naturang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) Sub-Station Laua-an, PCG Special Operations Unit Antique, Bureau of Fire Protection (BFP) Laua-an, Philippine Task Force Agila Guardian Inc. (PTFAGI) Laua-an Chapter, mga miyembro ng BPATS, at mga opisyal ng Barangay Jaguikican at Guinbanga-an, Laua-an.
Ang layunin ng pagsasanay ay mapalakas ang kakayahan ng mga barangay tanod, force multipliers, at community volunteers upang mas epektibong mapanatili ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan sa kani-kanilang mga barangay.
Tinalakay sa seminar ang mahahalagang paksa tulad ng Katarungang Pambarangay, mga teknik sa pag-aresto, mga paalala sa pag-iwas sa sunog, at kahandaan sa kalamidad at sa mga insidente sa tubig.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong linangin ang kaalaman at kasanayan ng mga katuwang ng kapulisan sa komunidad, lalo na sa larangan ng community policing, conflict resolution, emergency response, at pagsulong ng karapatang pantao.
Sa pamamagitan ng patuloy na edukasyon at pagsasanay, mas napapalalim ang ugnayan sa pagitan ng pulisya at ng mga mamamayan, at mas naihahanda ang komunidad sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng insidente.
Isang malinaw na mensahe ng pagkakaisa at malasakit ang ipinamalas ng aktibidad na ito, na sa tulong ng maayos at organisadong BPATS, mas nagiging matatag at ligtas ang bawat barangay sa pagharap sa mga hamon ng seguridad at kaligtasan.
Source: Laua-an Municipal Police Station