BPATs, kaagapay ng PNP sa seguridad ng Barangay Maddarulug Sur
Sa layuning mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa komunidad, matagumpay na nakiisa ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) ng Barangay Maddarulug Sur, Enrile, Cagayan sa isinagawang pagpapatrolya sa kanilang nasasakupan, kasama ang Enrile Police Station, ngayong ika-8 ng Hulyo taong kasalukuyan.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni PSMS Hygen Favilla, Invest PNCO at Pulis Sa Barangay (PSB), katuwang ang masisipag at dedikadong mga miyembro ng BPATs na siyang nagsisilbing pangunahing katuwang ng pulisya sa pagbabantay ng seguridad sa barangay.
Binibigyang halaga ng nasabing aktibidad ang mahalagang papel ng BPATs bilang mga boluntaryong tagapagpanatili ng kaayusan sa komunidad — sila ang unang tumutugon sa mga insidente, tagapag-ulat ng mga kahina-hinalang kilos, at tagapaghatid ng impormasyon sa pulisya.
Ang pagpapatrolyang ito ay patunay ng isang matatag at buo ang loob na samahan sa pagitan ng pulisya at mga taga-barangay. Sa suporta ng LGU at aktibong partisipasyon ng BPATs, mas pinagtibay ang adhikaing magkaroon ng isang ligtas, maayos, at mapayapang pamayanan.