Feeding Angels of Bayambang (FAB), naghatid ng tulong sa mga evacuees
Matapos ang koordinasyon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Rural Health Unit (RHU) para makuha ang listahan ng mga evacuees na nananatili pa rin sa mga evacuation center ng Bayambang, agad na kumilos ang grupong Feeding Angels of Bayambang (FAB) upang magsagawa ng unang bugso ng kanilang relief operation noong nakaraang linggo.
Kabilang sa mga lugar na kanilang naabot ay ang Barangay Pantol, Manambong Sur, at Manambong Parte. Umabot sa kabuuang 60 pamilya o 170 indibidwal ang nabigyan ng tulong: 21 pamilya (80 katao) sa Pantol, 13 pamilya (50 katao) sa Manambong Sur, at 26 pamilya (40 katao) sa Manambong Parte.
Namahagi ang FAB ng mainit na champorado na inihanda ng Zia’s Cuisine at masarap na lomi mula sa Solomon’s Lomihan, na agad nagbigay ginhawa at lakas sa mga evacuees. Bukod pa rito, namigay rin sila ng food packs na may lamang limang kilong bigas, dalawang lata ng Mega sardines, dalawang piraso ng instant mami, dalawang pakete ng tinapay, at Swiss Miss chocolate drinks.

Ang matagumpay na pamamahagi ng tulong ay naisakatuparan sa tulong ng mga anonymous donor at sponsors na buong pusong sumuporta sa layunin ng FAB. Ang aktibidad na ito ay patunay ng malasakit at bayanihan na patuloy na umiiral sa komunidad sa kabila ng mga pagsubok.
Ang FAB ay nagpahayag ng pasasalamat sa lahat ng nagbigay ng suporta at nangakong magpapatuloy sa kanilang adbokasiya ng pagtulong sa mga nangangailangan, lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Source: Balon Bayambang