R-PSB Canarom, nanguna sa Zumba Activity ng idinaos na Nutrition Month sa Daraga, Albay
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 51st Nutrition Month, matagumpay na isinagawa ang isang Zumba activity na pinangunahan ng mga miyembro ng Revitalized-Pulis Sa Barangay (R-PSB) Canarom nitong Hulyo 31, 2025 sa Barangay Canarom, Daraga, Albay.
Nilahukan ito ng mga guro, mag-aaral, magulang, ibang residente, at ilang miyembro ng Barangay Council na may layuning palaganapin ang kahalagahan ng pisikal na aktibidad at malusog na pamumuhay bilang suporta sa taunang kampanya para sa wastong nutrisyon.
Ayon kay PMSg Andrian Eduard O Jana, Team Leader, “Ang Zumba ay isang masayang paraan para mahikayat ang komunidad, lalo na ang mag-aaral, na maging aktibo at alagaan ang kanilang kalusugan.
Kalakip ng aming serbisyo bilang pulis ay ang pagiging kaagapay sa pagtataguyod ng isang malusog na pamayanan.”
Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Barangay Canarom Council, mga guro, at mga boluntaryong health workers.
Ang pagsasagawa ng Zumba ay bahagi ng mga inisyatibo ng R-PSB Canarom upang mapalapit sa komunidad, at magsilbing ehemplo ng disiplina, kalusugan, at malasakit sa kapwa.
Source: Albay Police Provincial Office