Wawa Elementary School Learners, bida sa pamamahagi ng school supplies sa Tanay, Rizal
Tunay na naging makabuluhan ang araw ng Huwebes, ika-31 ng Hulyo 2025, para sa mga mag-aaral ng Wawa Elementary School nang personal silang dalawin ng mga tauhan ng Tanay Municipal Police Station sa pangunguna ni PLtCol Joseph Dorado Macatangay, Officer-In-Charge, para sa isang programang puno ng saya at aral.

Sa tulong ng Taytay Special Action Force Against Crime and Poverty (TSAF ACAP) na pinamumunuan ni Gng. Fely Real, matagumpay na naipamahagi sa mga estudyante ang mga school supplies at PNP coloring books na pinamagatang “Ang Mabuting Bata, Kaibigan ng Pulis.”

Higit sa lahat, ang mga mag-aaral ng Wawa Elementary School ang tunay na bida sa aktibidad, na sa kabila ng simpleng programa, ay nagpakita ng kasabikan sa pag-aaral, masiglang pakikilahok, at pasasalamat. Ang kanilang mga ngiti, mga mata na puno ng pag-asa, at simpleng “salamat po” ay nagsilbing inspirasyon sa mga dumalong kawani ng pulisya at partner organizations.
Layunin ng programang ito na itaguyod ang kahalagahan ng edukasyon, disiplina, at mabuting asal sa murang edad, habang pinalalalim ang tiwala ng mga kabataan sa kapulisan. Bahagi ito ng Police-Community Relations Program ng PNP na naglalayong palakasin ang ugnayan at pagtutulungan ng kapulisan at komunidad.
Source: Tanay MPS