Blood Run 2025, matagumpay na isinagawa sa Ilocos Sur

Umabot sa 757 katao ang lumahok sa taunang Blood Samaritan Run o Blood Run 2025 na inorganisa ng Ilocos Sur Chapter ng Philippine Red Cross noong Agosto 30, 2025, na siyang pinakamaraming bilang ng kalahok mula nang ito’y sinimulan.

Nagsimula at nagtapos ang aktibidad sa PRC Headquarters sa Vigan City, kung saan isinagawa ang 3K, 5K, at 10K na takbuhan. Ayon kay Chapter Administrator Veronica Tactay, layunin ng programa na makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng Blood Transfusion ngunit kapos sa gastusin, partikular sa bayad sa Blood Processing Fee ng Department of Health.

Binigyang-diin ng pamunuan na ang naturang inisyatiba ay nakatuon sa pagbibigay ng pantay na akses sa serbisyong medikal, anuman ang kakayahang pinansyal ng mga nangangailangan.

Kabilang sa mga naging katuwang sa matagumpay na pagsasagawa ng Blood Run ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur, LGU ng Vigan City at Bayan ng Santa Catalina, gayundin ang mga pribado at pampublikong sponsor.

Hindi rin matatawaran ang naging partisipasyon ng mga kapulisan sa aktibidad, na nagbigay ng seguridad at katiyakan ng kaayusan sa buong takbuhan. Sa kanilang presensya, naging ligtas at mapayapa ang pagdiriwang na nagbigay-diin sa pagkakaisa ng pamayanan para sa kalusugan at kapakanan ng lahat.

Ang Blood Run 2025 ay ikatlong taon nang isinasagawa bilang bahagi ng paggunita sa World Blood Donor Month na karaniwang ipinagdiriwang mula Hulyo hanggang Setyembre.

Source: City Government of Vigan, Ilocos Sur

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *