Outreach Program, isinagawa sa Cabunlawan ES sa Lambunao, Iloilo

0
viber_image_2025-09-09_16-44-14-422

Sa kabila ng layo, hirap ng daan, at masamang panahon, isang makulay at makabuluhang outreach program at children’s party ang matagumpay na isinagawa sa Cabunlawan Elementary School, Brgy. Cabunlawan, Lambunao, Iloilo nito lamang ika-8 ng Setyembre 2025.

Ang aktibidad ay inisyatiba ng Lyngap Cares PH sa pamumuno ni Ms. Lyn Montallano Macatuno, at La Maring’s Restaurant na pagmamay-ari ni Edgar Catolin, bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-6 na anibersaryo ng Lyngap Cares Ph.

Naging katuwang sa aktibidad ang mga tauhan ng 602nd Company, RMFB 6 sa ilalim ng pamumuno ni PCPT Roy Compe, 602nd Company Comander, at ng Regional Police Community Affairs and Development Unit 6 (RPCADU 6).

Ang nasabing aktibidad ay isinagawa rin bilang pakikiisa ng kapulisan sa selebrasyon ng ika-31st Crime Prevention Week na naglalayong ipakita ang kanilang matatag na suporta sa pagsusulong ng ligtas, mapayapa, at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok at pakikipag-ugnayan sa komunidad.

Tinatayang 60 mag-aaral ng Cabunlawan Elementary School mula grade 1 hanggang grade 6 ang naging benepisyaryo ng programa.

Layunin ng aktibidad na ito na maghatid ng hindi lamang kasiyahan kundi pati na rin ng suporta at inspirasyon sa mga kabataan.

Sa pamamagitan nito, higit pang pinaiigting ang malasakit ng pamayanan, pribadong sektor, at kapulisan upang matiyak ang kapakanan at kinabukasan ng mga mag-aaral.

Ipinadama rin ng mga katuwang sa programa na walang layo ng lugar o hirap ng daan ang makahahadlang sa kanilang taos-pusong hangarin na maipaabot ang tulong at kasiyahan para sa mga bata ng Cabunlawan Elementary School. Ang kanilang presensya at malasakit ay nagsilbing patunay na ang tunay na layunin ng pagtulong ay nag-uugat sa bukal na kalooban.

Isinagawa rin ang feeding program, kung saan sabay-sabay na pinagsaluhan ng mga bata ang masasarap at masustansyang pagkain, habang nagkakasama-sama sila sa masayang kainan na nagpatibay ng kanilang samahan at nagdulot ng dagdag na sigla at ngiti sa kanilang mga mukha.

Bilang bahagi ng pagkilala at taos-pusong pasasalamat, nagbigay rin ng sertipiko ang paaralan sa mga dumalo at naging katuwang sa programa, tanda ng kanilang pagpapahalaga sa ipinamalas na malasakit at suporta para sa mga kabataan.

Ang matagumpay na pagtitipon na ito ay patunay na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, mas nagiging makabuluhan ang mga programa para sa kapakanan ng kabataan at pagpapatibay ng mas ligtas at mas maunlad na pamayanan.
Source: RPCADU 6

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *