Youth Mobile Force, nakiisa sa Municipal Linggo ng Kabataan 2025 sa Ifugao
Nakiisa ang 1501st Youth Mobile Force (YMF) Banaue Chapter sa idinaos na Municipal Linggo ng Kabataan 2025 noong Agosto 30, 2025 sa Banaue Municipal Gymnasium, Banaue, Ifugao.
Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga kabataan mula sa 18 barangay ng Bayan ng Banaue, pati na rin ang iba’t ibang samahang kabataan tulad ng 1501st Youth Mobile Force (YMF) Banaue Chapter na may layuning kilalanin at palakasin ang papel ng kabataan sa pagsusulong ng makabagong pagbabago sa lipunan.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Local Youth Actions for the SDGs and Beyond,” na layuning ipakita ang mahalagang ambag ng kabataan sa pagtamo ng mga layunin ng United Nations Sustainable Development Goals (SDGs).
Bukod sa mga talakayan, nagkaroon ng iba’t ibang kultural at pampalakasan na aktibidad gaya ng Search for Videoke King and Queen, Binnawot, Hanggul, Hinnukting, Guyyudan, at Akkad Relay, na nagpakita ng husay, talento, at pagkakaisa ng mga kalahok.
Sa isinagawang aktibidad ay namayagpag ang Youth Mobile Force sa paligsahan ng Hanggul, kung saan nagtamo ng ikatlong puwesto.
Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga programang pangkomunidad, pinapatunayan ng kabataan na sila ay hindi lamang pag-asa ng bayan, kundi aktibong tagapagtaguyod ng pag-unlad at pagbabago.