Pure Bayanihan, pinangunahan ang pag-abot ng kabuhayan sa kababaihan ng Cervantes

Isang makasaysayang araw ang naganap sa bayan ng Cervantes , Ilocos Sur matapos opisyal na tanggapin ng Cervantes Inabel – Puso ti Kababaihan Weavers Association ng Barangay Aluling ang isang proyektong pangkabuhayan na layong magbigay-lakas sa kababaihan at mapanatili ang yaman ng lokal na kultura at sining ng paghahabi.
Pinangunahan ng Pure Bayanihan sa pamumuno ni Ms. Jannah Endrina ang awarding ceremony, katuwang ang Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1) sa pamumuno ni PCOL Fidel DG Junio, Force Commander, at ang 102nd Maneuver Company RMFB1 na pinamumunuan ni PMAJ Mark Archie M. Aguilar, Company Commander. Dumalo rin si Rev. Fr. PMAJ Arnulfo Fraga Jr., Regional Chaplain Service, PRO1, kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Cervantes sa pamumuno ni Vice Mayor Hon. Pablito Benjamin Maggay II, gayundin ang mga kinatawan ng DTI Cervantes, Aluling Elementary School, mga opisyal ng barangay, at iba pang stakeholders ng komunidad.
Higit pa sa tulong-pinansyal, ang proyekto ay nagsisilbing sagisag ng pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang itaas ang antas ng pamumuhay ng mga kababaihang mananahabi. Layunin din nitong buhayin at ipreserba ang mayamang tradisyon ng Inabel weaving na isa sa ipinagmamalaking pamana ng Ilocos.

Nag-uumapaw ang pasasalamat at kasiyahan ng mga benepisyaryo, katuwang na ahensya, at mamamayan ng Cervantes. Mula sa makukulay na pagtatanghal, masiglang tugtugin, hanggang sa mainit na samahan, naging isang tunay na pagdiriwang ng pagkakaisa at pag-asa ang awarding ceremony.
Sa pamamagitan ng Pure Bayanihan at mga katuwang nito, hindi lamang kabuhayan ang naihatid kundi pati inspirasyon at pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan ng mga kababaihan at kanilang pamilya.