BPATs, nakiisa sa Clean-up Drive
Aktibong nakiisa ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) sa isinagawang clean-up drive sa La Trinidad, Benguet noong ika-13 ng Setyembre 2025.
Ang nasabing aktibidad ay inisyatiba ng Local Government Unit katuwang ang mga estudyante ng Kings College of the Philippines (KCP), Benguet State University (BSU), University of Cordillera (UC), mga ROTC students ng Cordillera Career Development College, mga opisyal at mga boluntaryo ng nasabing lugar.



Sama-sama at tulong-tulong ang mga grupo sa paglinis ng mga sapa at daluyan ng tubig na madalas umaapaw kahit sa maikling pag-ulan partikular sa mga sapa ng Buyagan, Pines Park at Capjaran ng barangay Pico upang alisin ang mga basura, damo, putik at mga bunton ng lupa na humaharang sa daloy ng tubig.
Ang pagsisikap na ito ay nagpapakita kung paano ang “binnadang” o pagtutulungan ay makakatulong sa paglutas ng mga problema ng bayan na sa ngayon ay nakatuon sa paglilinis ng mga kanal at sapa.
Samantala, ang mga miyembro ng BPATs ay patuloy na makiisa sa mga programa o aktibidad na isinusulong ng lokal na gobyerno at patuloy na magbibigay ng magandang serbisyo at susuportahan ang mga programa ng pamahalaan na nakatuon sa pagpapaganda at pagpapaunlad ng kapaligiran.