BPATs at BADAC, mas pinalakas sa 2-Day Training sa Tuguegarao City
Naging tampok ang Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADAC) sa 2-Day Training na kasalukuyang isinasagawa sa Hotel Ivory, Buntun, Tuguegarao City ngayong Setyembre 25, 2025.
Layunin ng pagsasanay na mas palawakin ang kaalaman, palakasin ang kasanayan, at bigyang-lakas ang mga BPATs at BADAC bilang pangunahing katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa komunidad.
Pinangungunahan ng Tuguegarao Component City Police Station sa pamumuno ni PLtCol Darwin John B. Urani, katuwang ang Cagayan Police Provincial Office at LGU Tuguegarao, ang pagbubukas ng nasabing aktibidad.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang talakayan ni PCpt Shiela Joy N. Fronda, Chief PIO ng Cagayan Police Provincial Office, hinggil sa mahahalagang tungkulin at gampanin ng BPATs. Binigyang-diin niya ang papel ng mga ito bilang unang tumutugon sa mga usaping pangkapayapaan at seguridad sa barangay.

Aktibong lumahok ang mga opisyal mula sa mga barangay ng Bagay, Buntun, Caritan Centro, Caritan Sur, Cataggaman Nuevo, Cataggaman Viejo, Cataggaman Pardo, Centro 1-12, Pallua Norte, Pallua Sur, San Gabriel, Ugac Norte, at Ugac Sur. Ang kanilang pakikilahok ay patunay ng kanilang malasakit na maging mas epektibong tagapagtaguyod ng kaligtasan sa kani-kanilang lugar.
Inaasahan na matapos ang dalawang araw na pagsasanay, mas magiging handa ang BPATs at BADAC na gampanan ang kanilang mandato mula sa pagpapatupad ng batas, pag-iwas sa krimen, at pakikipag-ugnayan sa kapulisan upang matamo ang isang ligtas, maayos, at mapayapang Tuguegarao City.
Source: Tuguegarao CCPS