58 Pamilyang naapektuhan ng Bagyong “Opong” sa El Nido, Palawan, tumanggap ng tulong mula sa pamahalaan

0
viber_image_2025-09-29_14-37-58-644

Matagumpay na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng food packs sa 58 pamilyang apektado ng Bagyong “Opong” sa Barangay New Ibajay, El Nido, Palawan noong Setyembre 27, 2025.

Pinangunahan ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC), sa pamumuno ni PMSg Jordan C. Nuñez, sa ilalim ng pangangasiwa ni PMaj Roel A. Tattao, Acting Force Commander, katuwang ang El Nido Municipal Police Station (MPS), Philippine Coast Guard, Special Forces, Bureau of Fire Protection (BFP), at mga opisyal ng barangay ang naturang operasyon. Layunin ng aktibidad na matulungan ang mga pamilyang nawalan ng kabuhayan at naapektuhan ng malakas na hangin at pag-ulan dulot ng bagyo.

Ayon sa ulat, isinagawa ang pamamahagi upang agad na maibsan ang hirap na dinaranas ng mga residente habang patuloy na nararanasan ang epekto ng sama ng panahon. Nagpahayag ng pasasalamat ang mga apektadong pamilya sa tulong at malasakit na ipinakita ng iba’t ibang ahensya at uniformed personnel na nakiisa sa pagtugon.

Tiniyak naman ng mga awtoridad na patuloy ang kanilang pagbabantay at kahandaan upang makapagbigay ng mabilis na aksyon at karagdagang suporta kung kinakailangan. Nanawagan din sila sa mga residente na manatiling mapagmatyag, makinig sa mga abiso ng pamahalaan, at agad makipag-ugnayan sa kinauukulan sakaling magkaroon ng karagdagang pangangailangan.

Itinuturing ng mga kasamang ahensya at ng pamunuan ng 2nd PMFC ang matagumpay na pagtutulungan bilang patunay ng kanilang malasakit at dedikasyon sa paglilingkod, lalo na sa panahon ng kalamidad. Muli rin nilang ipinakita ang kahandaan ng ating kapulisan at uniformed personnel sa pagbibigay ng agarang serbisyo upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.

Source: 2nd Palawan PMFC

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *