Pagkalinga at serbisyo para sa mga Batang Tanzeño, hatid ng outreach program sa Barangay Sahud Ulan
Isang makabuluhang Outreach Program ang isinagawa nito lamang Miyerkules, ika-8 ng Oktubre 2025, sa Sanitary Landfill, Barangay Sahud Ulan, Tanza, Cavite. ito ay dinaluhan ng mahigit isang daang batang kapos-palad mula sa nasabing lugar.
Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni PLtCol Joven T. Bahil, Officer-In-Charge ng Tanza Municipal Police Station, katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Tanza sa ilalim ng masigasig na pamumuno ni Mayor Archangelo “SM” B. Matro.

Sa programa ay isinagawa ang feeding activity upang mabigyan ng sapat na pagkain at nutrisyon ang mga bata. Kasunod nito ay isinagawa ang isang maikling talakayan tungkol sa Children’s Rights kung saan ipinaliwanag sa mga kabataan ang kanilang mga karapatan, at kung paano nila mapangangalagaan ang kanilang sarili laban sa anumang uri ng pang-aabuso. Matapos ang talakayan ay namahagi rin ng mga laruan at school supplies bilang simpleng handog para sa mga bata na magagamit nila sa kanilang pag-aaral.
Layunin ng programang ito na bigyang pansin ang kalagayan ng mga kabataang nasa laylayan ng lipunan at maipadama sa kanila ang malasakit at suporta ng pamahalaan at kapulisan. Isa rin itong konkretong halimbawa ng pagbabalik sa komunidad at pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga panahong higit itong kailangan.
Source: Tanza Pnp