Barangay Assembly, isinagawa sa Barangay Maitim 2nd East, Tagaytay City
Aktibong nakiisa ang mga residente ng barangay sa isinagawang Barangay Assembly na may temang “Araw ng Pakikibahagi: Solusyon at Aksyon Ating Talakayin Ngayon Barangay Assembly” na ginanap sa Basketball Court ng Brgy. Maitim 2nd East, Lungsod ng Tagaytay nito lamang Linggo, ika-12 ng Oktubre 2025.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng Barangay Officials ng Maitim 2nd East, katuwang ang Tagaytay City Component Police Station sa pamumuno ni PLtCol Jericho B. Doria, Chief of Police.
Sa pagpupulong, tinalakay ng mga kinatawan ng Tagaytay CCPS ang mga programa at kampanya ng Philippine National Police laban sa kriminalidad, kabilang na ang anti-illegal drugs campaign, crime prevention strategies, at community partnership programs. Ipinaalala rin nila sa mga residente ang kahalagahan ng maagap na pakikipag-ugnayan sa pulisya at pagbibigay-ulat sa anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. Bukod dito, binigyang-diin din ng kapulisan ang pagpapatupad ng mga ordinansa sa barangay at ang patuloy na kampanya para sa disiplina, kaayusan, at kapayapaan sa komunidad.
Ang Barangay Assembly ay nagsilbing mabisang plataporma upang marinig ang boses ng mamamayan at mapagtibay ang kooperasyon ng mga sektor tungo sa iisang layunin ang mapanatiling ligtas, tahimik, at maunlad ang Lungsod ng Tagaytay.
Source: Tagaytay City Component Police Station