Pagsasanay sa BPATs, layon ang mas epektibong pagpapatupad ng batas
Patuloy na pinatitibay ng pamahalaan ang kakayahan ng mga barangay tanod sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan matapos isagawa ang Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) Enhancement Training noong Oktubre 15, 2025, mula 1:00 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon sa Balikbayan Cultural Sports Complex, Urdaneta City, Pangasinan.
Pinangunahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa pamumuno ni Atty. Philip Raymund S. Rivera, Provincial Director, ang aktibidad katuwang ang Urdaneta City Police Station sa pamumuno ni PLtCol Reynante D. Pitpitan, Officer-in-Charge, Lokal na Pamahalaan ng Urdaneta City sa pamumuno ni Mayor Julio “Rammy” F. Parayno III, at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ni Mr. Richard S. Real, CLGOO.

Dinaluhan ito ng 340 na barangay tanod mula sa 17 natitirang barangay ng lungsod, may tig-20 kalahok bawat barangay. Layon ng pagsasanay na paigtingin ang kanilang kakayahan, disiplina, at kahandaan sa pagtugon sa mga usapin ng kapayapaan at seguridad sa komunidad.
Sa kanyang talumpati, tinalakay ni Atty. Rivera ang dalawang uri ng pag-aresto, mga pamamaraan ng Citizen’s Arrest ng mga opisyal ng barangay, Miranda Warning, at tamang paggawa ng Affidavit of Arrest.
Samantala, ibinahagi ni PLt Rosselle L. Mariñas ng WCPD/PCAS PCO ang tamang pamamaraan ng paghawak sa mga kaso ng Violence Against Women and their Children (VAWC). Tinalakay naman ni PCpt Rey Floro C. Tuanquin ng INVEST PCO ang Anti-illegal Drugs awareness at ang mahalagang papel ng BPATs sa pagpigil ng pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.

Nagkaroon din ng Hands-on Training ang mga kalahok sa pangunguna ng mga tauhan ng Urdaneta City Police Station na nakatuon sa Basic Arnis, tamang pagposas, at mga teknik sa pag-aresto upang higit pang mapaunlad ang kanilang depensibong kakayahan at kaalaman sa operasyon.
Ipinakita ng naturang aktibidad ang malakas na ugnayan ng NAPOLCOM, DILG, LGU, at ng Urdaneta City Police Station sa pagsasanib-puwersa para palakasin ang kakayahan ng mga BPATs bilang katuwang sa pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa kani-kanilang mga barangay.
Source: Urdaneta City Police Station