Tagaligtas Riders, katuwang ng pulisya sa paghahatid ng malasakit sa mga kabataan ng Tigbauan, Iloilo
Sa patuloy na pagpapalaganap ng malasakit at bayanihan sa komunidad, namayagpag ang Tagaligtas Riders Philippines Inc. for Brotherhood, Volunteerism, Charity Rides – Iloilo South Chapter sa kanilang aktibong pakikibahagi sa Feeding Program at Anti-Bullying Lecture para sa 153 mag-aaral ng Linoflores Elementary School sa Sitio Linoflores, Barangay Baguingin, Tigbauan, Iloilo, noong Oktubre 13, 2025.
Pinangunahan ni Rolan Robleza, Pangulo ng Tagaligtas Riders Iloilo South Chapter, ang grupo sa naturang aktibidad na isinagawa katuwang ang Tigbauan Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni PCPT Alfred Mansoy, Officer-in-Charge.
Sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan, matagumpay na naihatid hindi lamang ang pagkain kundi pati na rin ang kaalaman at inspirasyon sa mga kabataan.
Pinangunahan naman ni PSMS Amy Gerline Acevedo, WCPD, ang Anti-Bullying Lecture na layuning itaas ang kamalayan ng mga mag-aaral hinggil sa masasamang epekto ng bullying at ang kahalagahan ng respeto at pakikipagkapwa-tao.
Ang partisipasyon ng Tagaligtas Riders ay nagsilbing patunay ng matibay na ugnayan ng mga civic organizations at kapulisan sa layuning maglingkod sa komunidad.
Ipinakita nila na ang pagkakaisa ng mga sibilyan at tagapagpatupad ng batas ay susi sa paghubog ng kabataang may malasakit, disiplina, at kabutihan ng loob.
Source: PCADG Western Visayas