Serbisyo Caravan sa Sabangan, pinagtibay ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan

0
viber_image_2026-03-16_09-02-02-867

Nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan sa isinagawang Barangay Consultation at Serbisyo Caravan sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) Phase 2 na ginanap noong Marso 11, 2026 sa Open Gym ng Barangay Namatec, Sabangan. Aktibong nakibahagi sa aktibidad ang Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB) Team ng 1st Provincial Mobile Force Company kasama si PLtCol Apdilon C. Galong, hepe ng Provincial Community Affairs and Development Unit.

Layunin ng aktibidad na mapalapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa komunidad sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang national government agencies, lokal na pamahalaan, at mga partner line agencies. Sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan, naihatid sa mga residente ng barangay ang iba’t ibang serbisyong panlipunan at mga programang pangkaunlaran na nakatuon sa pangangailangan ng komunidad.

Bahagi ang programa ng pagpapatupad ng Executive Order No. 70 na nagtatag ng Whole-of-Nation Approach upang tuluyang wakasan ang lokal na armadong tunggalian sa bansa. Sa ilalim ng inisyatibang ito, pinagtitibay ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang maihatid ang mahahalagang serbisyo, mga programang pangkaunlaran, at proyektong pang-imprastraktura sa mga prayoridad na barangay.

Sa pamamagitan naman ng RCSP, nabibigyang pagkakataon ang mga komunidad na mailahad ang kanilang mga suliranin at pangangailangan upang matugunan ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga programang, proyekto, at aktibidad na nakatuon sa kaunlaran at maayos na pamamahala.

Kasabay nito, nagbigay rin ng libreng gupit ang 1st PMFC R-PSB Team sa mga residente ng Barangay Namatec bilang bahagi ng kanilang serbisyong pangkomunidad. Ipinakita ng aktibidad ang patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at kapulisan upang mapalakas ang serbisyo publiko, mapanatili ang kapayapaan, at maisulong ang kaunlaran sa mga komunidad.

Source: PNP Mt. Province PPO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *