Fireline Establishment Activity, isinagawa sa Benguet upang pangalagaan ang kalikasan at komunidad
Aktibong nakiisa ang mga tauhan ng Buguias Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), mga boluntaryo ng komunidad, at lokal na pamahalaan ng Buguias sa isinagawang Fireline Establishment sa Communal Forest ng Brgy. Amlimay noong Marso 17, 2026. Bahagi ito ng programang Arugang Lokal para sa Kalikasan at Taong-bayan (ALKAT) na naglalayong mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng kapaligiran.
Layunin ng naturang aktibidad na maiwasan ang pagkalat ng sunog sa kagubatan sa pamamagitan ng maayos na pagtatatag ng firelines. Bukod dito, pinagtitibay rin nito ang proteksyon sa likas-yaman ng komunidad at ang kaligtasan ng mga residente laban sa posibleng panganib dulot ng forest fires.
Ayon sa mga awtoridad, mahalaga ang ganitong hakbang upang mapanatili ang balanseng ecosystem at maiwasan ang malawakang pinsala sa kalikasan. Ipinakita rin sa aktibidad ang matibay na ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pagsusulong ng mga programang pangkalikasan.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng kapulisan, mga ahensya ng pamahalaan, at mamamayan, patuloy na napangangalagaan ang kapaligiran para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon. Ang ALKAT ay patunay na ang kooperasyon at malasakit ng bawat isa ay susi sa isang ligtas at luntiang Bagong Pilipinas.
Source: PNP Buguias MPS