Isabela PNP, PA at ibang mga stakeholders nagkaisa sa community outreach para sa komunidad ng San Agustin
Nagkakaisang nagsagawa ng isang malawakang community outreach ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor sa Brgy. Salay, San Agustin, Isabela noong Abril 10, 2026, na pinangunahan ng Isabela PNP sa layuning mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mamamayan. Tampok sa aktibidad ang libreng serbisyong medikal, dental, at optical para sa mga residente.
Pinangunahan ni PLtCol Jomar F. Julian, Chief ng Provincial Community Affairs and Development Unit, ang nasabing inisyatiba kasama sina PMaj George Maribbay, Force Commander ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company; PLt Samuel Batara Jr., Revitalized-Pulis sa Barangay Team Leader; at LTC Jojo Mascarinas ng Philippine Army. Ipinakita sa kanilang inisyatiba ang matibay na ugnayan ng kapulisan at militar sa paghahatid ng serbisyo-publiko.
Naging mahalagang katuwang din sa programa ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan tulad nina Hon. Paul Jerremie Suni at Hon. Efren Matias, pati na ang mga volunteer medical professionals na sina Dr. Rizalina Sagaysay, Dr. Jessica Aevan Santamaria, Dr. Menchie Yasol, at Dr. Barney Menis Jr., kasama si Mr. Armando Alaska ng PNACG.
Malaki rin ang naging ambag ng Eagles Club sa pangunguna ni Mr. Chris Pagud, na tumulong upang maging matagumpay ang aktibidad sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa kabuuan, umabot sa 423 benepisyaryo ang nabigyan ng libreng konsultasyon, tuli, bunot ng ngipin, basic treatment, at vision screening. Namahagi rin ng libreng gupit, tsinelas, at food packs na nagbigay ng agarang ginhawa sa mga residente.
Ang aktibidad ay patunay na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kapulisan, pamahalaan, at komunidad, naihahatid ang serbisyong tunay na may malasakit sa mamamayan.
Source: PNP Isabela